Pagbati sa ngalan ng wika, sining, at kultura!

Idineklara bilang Buwan ng Wikang Pambansa sa bisa ng Proklamasyon bilang 1041 na nakatalaga sa pagdiriwang, paggunita, at pagpapayabong ng wikang pambansa ang buwan ng Agosto. Nagdaraos taon-taon ang ating paaralan ng mga programang nagpapakita ng iba't ibang kultura, sining, at pagpapahalaga sa ating wikang pambansa at iba pang mga katutubong wika.

Kaugnay nito, sama-samang magdiriwang ng Buwan ng Wika ang International Baccalaureate ng Dalubhasaang Chiang Kai Shek na pinamagatang "IGPAW: Mga Wika ng Pilipinas Tungo sa Kapayapaan, Ingklusyon, at Katarungan" sa ika-30 ng Agosto 2023, mula 7:30 ng umaga hanggang 3:30 ng hapon, na may SOI na: 

"Maaaring mapaigting ang kapayapaan, katarungan, ingklusyon, at pagtanggap ng pagkakaiba sa pamamagitan ng malayuning komunikasyon."  

Naniniwala ang IB Programme sa may ekwidad at inklusibong edukasyon. Layunin din nito na humubog ng mga mag-aaral na nag-iisip nang internasyonal, na nakakikilala ng kanilang gampanin sa paglikha ng mas maganda at payapang mundo. Sa tulong din ng polisiyang pangwika ng IB, sinusuportahan din nito ang plurilingualismo bilang pundamental na bahagi ng pag-unawa ng iba't ibang kultura at pag-iisip nang internasyonal, gayundin ang pagbibigay ng daan sa edukasyong pang-IB para sa mga mag-aaral na may iba't ibang pinagmulang kultura at wika. Ang tema ng Buwan ng Wika mula sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at ang layon ng IB Programme ay may parehong layon; ang pagkakaroon ng ekwidad at inklusibong paggamit ng mga wika ng Pilipinas sa loob at labas ng mga silid-aralan.

Maligayang Buwan ng Wika!

NEWS FLASH